Mayon, nagbabadyang maibalik sa alert level 3

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — May posibilidad na muling ibalik ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 3 ang estado ng Mt. Mayon sa Albay matapos makitaaan ito ng panibagong aktibidad makaraang muling tumaas at umabot ng mahigit 8-libong tonelada ang ibinugang asupre o sulfur dioxide emission kahapon.
Noong nakalipas na Agosto 5 ay ibinaba ng Phivolcs sa alert level 2 ang estado ng Mayon dahil sa ilang araw na pagbaba ng naitatalang mga inoobserbahang parameters. Gayunman, nitong nakalipas na mga araw mula sa average na 2,532 tonelada bawat araw na sulfur dioxide emission ay biglang umabot kahapon sa 8,393 tonelada ang ibinugang asupre.
Ayon kay Doreen Abelinde, officer-in-charge ng Phivolcs-Ligñon Hill Observatory Station sa Legazpi City, ang 8,393 tons per day na ibinugang asupre kahapon ay siyang pinakamataas simula nang ibaba ang alerto ng bulkan noong Agosto 5. Nakitaan din sandaling pamamaga ang katawan ng bulkan sa hilagang-silangang bahagi partikular sa mga bayan ng Sto. Domingo, Malilipot, at Tabaco City na nagpapakita ng namumuong pressure sa loob.
Kapag patuloy umano na tumaas ang iba pang parameters, malaki ang posibilidad na muling bumalik sa eruptive status ang bulkan at muli nilang itaas sa alert level 3.
- Latest



















