2 preschoolers nalunod sa septic tank

MANILA, Philippines — Dalawang daycare preschooler ang nasawi matapos na malunod sa nakabukas na septic tank na puno ng tubig ulan sa Brgy. Concepcion, Makilala, Cotabato nitong Lunes, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Cotabato Police ang mga nasawi ay isang 4 at 5 anyos na batang lalaki na apo at pamangkin ni Brgy. Concepcion Chairman Rey Cayare.
Ayon sa imbestigasyon, ang dalawang bata matapos na umuwi sa kanilang tahanan galing sa daycare school ay naglaro ng tubig sa nakabukas na septic tank.
Nabatid na pinaglaruan ng mga bata ang kanilang lunch box sa nasabing septic tank na napuno ng tubig ulan. Gayunman, sa paglalaro ay aksidenteng nahulog sa naturang septic tank na puno ng tubig ang mga biktima.
Ilang mga residente ang napatakbo sa lugar, pero tanging nakalutang na lunch box lang ng mga bata ang kanilang nakita.
Agad sumisid ang ilang miyembro ng rescue team sa naturang septic tank at naiahon ang dalawang bata na bagaman naisugod pa sa Makilala Medical Specialist Hospital bago inilipat sa Davao Doctors Hospital, pero nabigo nang masagip ang buhay ng mga ito.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.
- Latest


















