Killer ng SEA Games gold medalist, timbog

MANILA, Philippines — Nasakote ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang pangunahing suspect sa pagpatay sa gold medalist ng Southeast Asian Games na si Mervin Guarte sa Calapan City sa follow-up operation sa Bamban, Tarlac nitong Martes.
Sa report ni Police Regional Office-MIMAROPA chief P/Brig. Gen. Christopher dela Cruz, naaresto ng kanilang mga operatiba sa Regional Intelligence Division 4B Chief sa pamumuno ni P/Col. Gerry Laylo at ng mga tauhan ng militar ang 35-anyos na suspect sa hideout nito sa Brgy. Banaba, Bamban, Tarlac bandang alas-4 ng hapon.
Si Melvin Guarte, 33, isang Philippine Air Force Airman 1st Class, nakatalaga sa Fernando Airbase sa Lipa City, Batangas ay pinagsasaksak hanggang mapatay habang natutulog sa tahanan ng kaibigan nito sa Brgy. Camilmil, Calapan City, Oriental Mindoro matapos siyang makipag-inuman noong Enero 7, 2025.
Ang biktima ay nagwagi ng gold medals sa men’s five-kilometer event sa Southeast Asian Games noong 2019 at men’s team relay noong 2023 SEAG.
Ang naarestong suspect na taga-Brgy. Camilmil, Calapan City ay naitala na No. 4 most wanted person sa Oriental Mindoro.
Sinabi ni Dela Cruz na ang suspect ay inaresto base sa warrant of arrest sa kasong murder na inisyu ni Judge Charity Grace Alcantara ng Calapan Regional Trial Court (RTC) Branch 40 at wala ring inirekomendang piyansa laban dito.
- Latest















