Bahay ng holdaper ng jewelry shop sa GMA, Cavite ni-raid
CAVITE, Philippines — Bitbit ang search warrant, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng GMA Police at Quezon City Police District (QCPD)-11 ang bahay ng isa sa mga suspek na nangholdap sa isang malaking jewelry shop dito sa lalawigan kamakailan, na ikinabawi ng ibang mga nakaw na alahas sa Brgy. Tatalon, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Hindi naaresto ang suspek, pero nagpositibo naman ang operasyon matapos na mabawi ang ibang alahas na tinangay ng limang armadong suspek sa panghoholdap sa PNGB Asher Jewelry Corp sa Brgy. San Gabriel, Gen Mariano Alvarez, Cavite noong Hulyo 6, 2026.
Nilimas ng mga suspek ang lahat ng alahas at pera ng shop na aabot sa mahigit kumulang sa P25 milyon.
Matapos ang ilang linggong follow-up investigation, isang search warrant ang inilabas ng RTC Branch 216 ng Quezon City na may petsang Hulyo 22,2026 na inisyu ni Presiding Judge Carlo Jolette S Fajardo, Presiding Judge, para sa paglabag sa Article 294 o Robbery.
Agad na ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ng isa sa mga suspek dakong alas-2:50 ng madaling araw sa pamumuno ni PLt. Col. Alexander S. Alcarez, subalit hindi nila nadatnan ang target na suspek.
Sa paghalughog ng mga awtoridad sa bahay nito, nasamsam ang mga alahas positibong kabilang sa mga tinangay sa nasabing jewelry shop.
Ang isinagawang search warrant operation ay sinaksihan ng mga awtorisadong tao sa lugar na sina HOA President Victor Duiyao, mga BPSO na sina Arthur M. Ruizo, Serilloyd S. Ramaila, Joseph B. Benavidez at ilang media personality.
Kasalukuyan pa ring tinutugis ang may-ari ng bahay na si alyas “Gerry” at mga kasamahan nito.
- Latest






















