BB, kinakarir na ang pagiging direktor!

Ah direk na pala ang tawag ng kanyang team kay BB Gandanghari.
Sa kanyang video ay maririnig na tinatawag siyang direk.
Magkasama sila ni Mariel Padilla na dumalo sa 40th day ng nalunod na atleta ng Ateneo na si Rene “Bobet” Baterbonia sa Agusan del Sur kamakaila.
At nang mag-guest siya kay Kuya Boy Abunda ay tinanong siya kung saan nanggagaling ang kanyang pakikiramay. Nakita raw niya ang hinagpis ng pamilya sa nasirang mga pangarap ng anak.
Ang usapan, ang pakikiramay ni BB ng ilang beses sa pamilya niya Rene ay dahil plano raw nitong idirek ang biopic ng basketbolista.
Actually nag-post na siya tungkol dito kung saan na naghahanap sila ng ng mga bida para sa pelikulang base sa buhay ni Baterbonia. “The Search is ON…. Who will be? Mommy Rovelyn, Daddy Rene and BOBET! Abangan,” sabi ni BB sa kanyang isang post sa Instagram.
Wala lang siyang binanggit kung ang kapatid niyang aktor/pulitiko ang magiging producer ng pelikula.
Graduate ang dating actor ng Entertainment Business degree mula sa Los Angeles Film School noong nakaraang taon na summa cum laude.
Hindi naman nag-post si Mariel tungkol dito pero may post si Sen. Robin Padilla ng snaps ng pagdamay sa pamilya ng basketbolistang nalunod na patuloy na hinihingan ng katurungan.
Post ng aktor/pulitiko:
“Ang pagiging dukha at salat sa saklolo ang siyang tunay na larawan ng kalapastangan sa katarungan sa ating minamahal na bayan. Ang katutubong kalinangan ng bayanihan ay hindi, sa anumang paraan, nag-ugat sa mga makabagong Pilipinong nabulag ng Kanluraning demokrasya at kapitalismo. Sa halip, ang bayanihan ay isang likas na hiyas at katangian ng ating mga katutubong lipi—mga liping namuhay nang may kalayaan at kasaganaan.
“Ang aking pinakamataas na paggalang at paghanga ay iniaalay ko sa mga karaniwang mamamayan ng aking bansa na walang-pagod na tumataguyod sa paghahanap ng katarungan at sa katuparan ng mga pangarap ng mga maralita at kaawa-awa. Ang pagpapairog at pagpapakalembang sa tinig ng mga Baterbonia ang siyang tunay na tatak ng isang mapagpalaya at malayang Pilipino.”
Bukod kay Rene Baterbonia, namatay rin sa pagkalunod habang isinasagawa ang Ateneo team-building activity sa Dipaculao, Aurora, noong Hunyo 8, ang Nigerian athlete na si Divine Adili. (SVA)
- Latest




















