Cop killer sa Rizal, timbog sa Sorsogon
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Nadakip na ang most wanted person (MWP) sa pagpatay sa isang bagitong pulis noong 2021 sa lalawigan ng Rizal, sa isang operasyon sa Barangay Salog, Sorsogon City, noong Biyernes ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang murder suspect na si alyas “Ronnel”, nakalista na Rank No. 1 ng Regional Most Wanted Person sa rehiyon ng Calabarzon.
Ani Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Regional Intelligence Division-Calabarzon, na si Ronnel ay nagtatago sa iba’t ibang lugar at ang pinakahuli ay sa Sorsogon City sa loob ng halos limang taon matapos ang pagpatay sa isang Patrolman na si Mohamadal Arba Sulaiman.
Lumabas na habang pauwi na si Sulaiman matapos bumili ng pandesal sa malapit na panaderya nang biglang sumulpot si alyas Ronnel at pinagbabaril siya nang malapitan sa ulo sa Barangay San Jose, Rodriquez, Rizal alas-5:50 ng umaga noong Disyembre 14, 2021.
Dagdag ni Cabatingan, agad nilang isinagawa ang operasyon matapos silang makatanggap ng impormasyon mula sa confidential informant buhat sa Sorsogon-Provincial Intelligence Unit, na si alyas “Ronnel” na wanted sa pagpatay sa nasabing pulis ay naghahasik ng kaguluhan sa kanilang lugar na nagsabing wala siyang kinatatakutan at kayang pumatay ng sinuman. Ipinagyayabang din ng suspek ang kanyang ginawang pagpatay sa nasabing pulis sa Rodriguez, Rizal.
Positibo namang kinilala ng asawa ni Sulaiman ang naarestong suspek mula sa mga litratong hawak ng pulisya na siya umanong responsable sa pagpatay sa kanyang asawa.
- Latest




















