Babaeng guro binaril sa ulo, patay!

COTABATO CITY , Philippines — Isa na namang guro sa Bangsamoro region ang patay makaraang barilin sa ulo ng ng .45 caliber pistol ng lalaking salarin nitong gabi ng Huwebes.
Sa ulat nitong Biyernes ni Capt. Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nakatayo lang sa gilid ng highway sa Sitio Kurbada sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang school teacher sa isang paaralan sa Cotabato City na si Evangeline Pantorilla Abdullah nang lapitan ng isang lalaki at binaril sa ulo na nagsanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Ang walang awang pagpaslang sa may asawa at may mga anak na si Abdullah, residente ng Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, nakasunod ng pagkasawi ni public school teacher Hapipa Saripada Macadato sa isang ambush sa Barangay Lamin, Malabang, Lanao del Sur nitong Hunyo 27. Isang sundalong sakay rin ng pick-up truck na si Army Cpl. Jayson Castro ng 64th Infantry Battalion ang nasawi sa pananambang.
Ayon kina Salanguit at Major Katherine Paydoen, hepe ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, nangako ng tulong ang mga barangay officials sa Awang sa ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang pumatay kay Abdullah.
- Latest















