Kano arestado sa higit P10 milyong ecstasy parcel
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isang American national nang i-claim at tanggapin ang parcel na naglalaman ng nasa mahigit P10 milyong halaga ng hinihinalang ecstasy at mahigit 900 tableta ng hindi pa batid na hinihinalang ilegal na droga sa Pasay City nitong Martes ng hapon.
Kinilala ng Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang inarestong suspek na si alyas “Lowo,” 37, US citizen, digital content creator, at umano’y authorized representative o parcel claimant.
Nakatira ito sa Woodmont Blvd., Peachtree Cor., at pansamantalang nanunuluyan sa P.Gomez St., Brgy. Poblacion, Makati City.
Sa ulat ng IADITG, alas-3:50 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa ikinasang interdiction operation sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City.
Sinabi ng IADITG, ang nasabing inbound parcel na na-claim ng suspek ay idineklarang naglalaman ng “salmon jerky, canned spam and corned beef, bath bombs, soaps, Hi-Chew gum candy, pancake and crackers, cereal and Rice Krispies, rock sugar and plum sugar, headphones, old shirts” na ipinadala ni Roberto Dalisay ng Vancouver, Canada, at naka-consign naman sa isang John Paul ng Brgy.San Dionisio, Parañaque City.
Nang buksan ng mga operatiba ng IADITG ang naturang parcel ay nadiskubreng naglalaman ito ng 12 assorted food packages na may 2,385 gramo ng hinihinalang MDMA (ecstasy) na nagkakahalaga ng P10,136,250 at isang kahon na naglalaman naman ng 942 piraso ng kulay pink na tableta na hinihinala ring ilegal na droga.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay City Prosecutor’s Office.
- Latest

















