Imago (18)
EKSAKTONG hatinggabi nang marating nina Maya at Nelson ang dulo ng eskinita ayon sa mapa. Sa paligid ng Gion district, tila namatay ang ingay ng mundo. Napapaligiran sila ng mga lumang kahoy na pader ng mga tradisyunal na bahay, ngunit walang senyales ng isang buhay na tattoo studio.
“Maya, wala naman yata rito ‘yung tattoo studio,” bulong ni Nelson, pilit hinahanap ang anino ng sinumang maaaring nakaabang sa kanila. “Umalis na tayo.”
Bago pa man maka-sagot si Maya, isang matalim na tunog ng mekanismo ang bumasag sa katahimikan. Isang mabigat na kahoy na sliding door sa kanilang tapat ang kusang gumalaw. Dahan-dahan itong bumuka patagilid nang walang nagbubukas, tila inaanyayahan silang pumasok.
Sinalubong sila ng hanging may amoy ng insenso. Sa loob, isang makitid at madilim na pasilyo ang bumadya, na tinatanglawan lamang ng isang malamlam na pulang ilaw sa dulo.
Hawak ang kanyang camera, unang humakbang si Maya papasok, kasunod si Nelson na pilit binabantayan ang kanilang likuran. Sa pag-abot nila sa dulo ng pasilyo, tumigil ang tibok ng puso ni Maya.
Nakasabit sa dingding ang isang malaking scroll ng tradisyunal na sining ng kaligrapiya. Ngunit hindi ito mga karakter ng wikang Hapon. Sa pamamagitan ng magaspang at itim na hagod ng brush, nakaguhit doon ang isang higanteng simbolo ng ibon. Isang ibong may nag-iisang mata sa gitna na tila nakatitig nang diretso sa kaniya.
Narating na nila ang dulo. Ang bitag ay pormal nang bumukas. (Itutuloy)
- Latest
















