Barikada ng anti-mining group tinutulan ng tribong Bugkalot

BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Pinabubuwag ng tribong Bugkalot sa kinauukulan ang barikada ng ilang grupo ng anti-mining sa isang mining site sa dalawang barangay sa bayan ng Kasibu sa lalawigang ito.
Ayon sa Bugkalot Confederation of Nueva Vizcaya, Quirino at Aurora, Inc., ang pagtututol sa barikada ay kanilang nagkakaisang desisyon bilang pagsuporta sa mineral exploration ng North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC) sa Barangay Pao at Kakiduguen sa bayan ng Kasibu na bahagi ng kanilang ancestral domains.
Sinabi ni overall Chieftain Rosario Camma na isang resolution ang kanilang pinirmahan bilang suporta sa NLMRC ng Confederation’s Beganget (elders) at elders ng Barangay Pao at Kakiduguen sa Zen Hotel sa bayan ng Bayombong nitong May 21, 2026.
Nauna rito, inaprubahan ng tribong Bugkalot ang exploration ng Kumpanyang NLMRC na ginawaran ng Mines and Geosciences Bureau ng permit na may petsang June 25, 2025.
Nitong unang linggo ng Mayo ay nagtatag naman ng barikada ang ilang mga anti-mining group para tutulan ang kasalukuyang exploration.
Samantala, sinabi ng anti-mining group na hindi sakop sa teritoryo ng Bugkalot ang lugar. Pero iginiit ni Camma na ang lugar ay sakop ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) R02-NAG-0703-0012 na pag-aari ng Bugkalot-Ilongot community.
- Latest























