‘Killer’ ng lady trader sa Cavite timbog

GENERAL TRIAS CITY, Cavite, Philippines — Arestado na ng Gen. Trias City Police ang suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa isang babaeng negosyante, sa Brgy. Pasong Camachile 1, General Trias City.
Kinilala ni PCapt. Joseph I Sosa, Officer-in-Charge ng General Trias City Police, ang naarestong suspek sa alyas “Michael”, 34-anyos, construction worker at residente rin ng Brgy. Pasong Camachile 1, General Trias City, Cavite.
Base sa ulat, ala-1:30 ng hapon ng Mayo 24 nang maaresto ng mga operatiba ng GenTri Police ang suspek sa bahay nito sa Brgy. Pasong Camachile 1 ng nasabi ring lungsod.
Matatandaan na alas-6:45 ng umaga ng Mayo 23 nang matagpuang duguang nakahandusay ang biktimang si Gng. Sonia, 58-anyos, negosyante, sa loob ng bahay nito.
Wala pang 24 oras agad ding naaresto ang suspek na nahaharap sa mga kasong Robbery with Homicide sa tulong na rin ng mga barangay officials.
Narekober sa suspek ang ilang ebidensya kabilang ang dalawang cellphone na pag-aari ng biktima, cash money na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3,304 at isang tile cutter na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Agad na pinuri ni Mayor Luis “Jon Jon” Ferrer ang kapulisan sa mabilis na aksyon at paglutas sa nasabing krimen.
- Latest























