Babaeng negosyante pinasok, pinatay!

CAVITE, Philippines — Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang isang negosyanteng misis makaraang pasukin at pagnakawan ng hindi kilalang kawatan sa loob ng kanyang tahanan kamakalawa sa Brgy. Pasong Camachile 1, Gen. Trias City.
Kinilala ang biktima na si alyas “Mrs Santa”, 58-anyos, businesswoman, at residente ng Brgy, Pasong Camachile ng nasabing lungsod.
Base sa ulat, alas-6:45 ng umaga nang madiskubre ng kasama sa bahay ang biktima na duguang nakahandusay sa loob ng tahanan nito.
Bago ang insidente, nagtungo pa umano ang biktima sa palengke at dakong alas-6:30 ng umaga nang makauwi ito.
Matapos lang ng kinse minutos, nadiskubre ang duguang biktima.
Malaki ang posibilidad na sinundan ng ‘di nakilalang suspek ang biktima at pagpasok ng bahay saka isinagawa ang krimen.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nawawala ang tatlong bag ng biktima na naglalaman ng pera at ang cellphone nito.
Tinangay rin ng suspek ang CCTV system sa bahay ng biktima.
Kaugnay nito, agad nagbaba ng reward si Gen. Trias Mayor Jon Jon Ferrer ng halagang P20,000 sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng suspek.
- Latest


















