4 bakwit ng Mayon tinamaan ng bulutong

CAMALIG, Albay , Philippines — Todo bantay ngayon ng mga medical workers mula sa DOH-Center for Health Development at ng municipal health office ng bayang ito sa kalusugan ng mga evacuees ng Mt. Mayon matapos na 4 na sa kanilang mga bakwit ang nagkasakit ng chicken pox o bulutong.
Sa apat umano na nagkasakit ng bulutong o bulutong-tubig mula sa Tagaytay Evacuation Center na mga residente ng Brgy. Anoling at Camalig Bungkaras Evacuation Center, dalawa sa kanila ay gumaling na habang naka-isolate pa ang dalawa at patuloy na ginagamot.
Hindi bababa sa 50 indibidwal naman na naging close contact ng mga nagkabulutong ang inilagay sa isolation area at patuloy na inoobserbahan.
Naglunsad na rin ng disinfection sa mga evacuation centers ang mga health authorities.
Sa panayam kay Dr. Jennifer Lapus, hepe ng Camalig Municipal Health Office bagama’t idineklara nang “under control” ang sitwasyon sa lugar, mahigpit pa nilang mino-monitor ang kalusugan nang lahat ng mga evacuees. Sinigurong sapat ang mga gamot lalo na umano ang anti-viral at para naman sa ibang mga sakit.
Maliban sa nakakahawang bulutong ay mahigpit na mino-monitor ng kagawaran ang kalusugan ng mga bakwit lalo na ang mga bata, buntis, at matatanda dahil sa iba’t ibang sakit ang puwedeng makuha nila dahil sa sitwasyon sa mga evacuation centers.
- Latest
























