SF training aircraft grounded muna
Sa pagkamatay ng 2 piloto
MANILA, Philippines — Pansamantalang grounded muna ang nalalabi pang SF-260 training aircraft ng Philippine Air Force (PAF) matapos ang pagbagsak ng isa nitong unit na ikinasawi ng dalawang piloto sa Tuba, Benguet kamakalawa.
Sinabi ni PAF Spokesperson Col. Ma. Christina Basco na pansamantalang grounded muna ang nalalabi pang 16 SF 260 training plane habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Ayon kay Basco, kasalukuyang nagluluksa ang PAF sa pagkasawi nina instructor pilot 1st Lt. Ruth Angelique Pasos at aviation student 2nd Lt. Cherky Embudo na nasawi matapos na bumagsak ang SF 260 sa isinagawang navigation training flight.
Bandang alas-10:30 ng umaga nang bumagsak ang SF 260 training plane sa Poblacion, Tuba, Benguet noong Miyerkules na pinalilipad nina Pasos at Embudo habang patungo sa Baguio City.
Ang bumagsak na training aircraft ay bahagi ng 11 SF-260 trainer plane na umalis sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas para sa training mission nang mangyari ang insidente. Gayunman, tanging sampung training aircraft lamang ang nakarating sa destinasyon.
Nangako naman ang liderato ng PAF na bibigyan ng benepisyo ang pamilya ng mga nasawing piloto at ipinaabot na rin ang pakikiramay sa mga ito.
Nagpapatuloy naman ang masusing imbestigasyon upang mabatid ang sanhi ng pagbagsak ng naturang aircraft.
- Latest





















