PAF trainer bumagsak sa Benguet: 2 piloto todas!

MANILA, Philippines — Dalawang tauhan ng Philippine Air Force (PAF) kabilang ang isang babae ang patay matapos bumagsak ang kanilang sinasakyang trainer plane sa Mt. Sto. Tomas sa Sitio Cabuyao, Barangay Poblacion, Tuba, Benguet, kahapon ng umaga.
Sa report ng Benguet Police, isa sa mga nasawi ay kinilalang si First Lieutenant Ruth Angelique R. Pasos habang hindi pa tinukoy ang pagkakakilanlan ng isa pa.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:20 ng umaga at nagresponde ang mga awtoridad sa lugar bandang alas-11:40 ng umaga matapos namang makatanggap ng report mula sa Brgy. Captain ng Poblacion sa pagbagsak ng PAF aircraft sa kakahuyang bahagi ng Mount Cabuyao, Poblacion sa bayan ng Tuba.
Natunton ng mga rumespondeng yunit ng pulisya, mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, kasama ang mga residente, ang pinangyarihan ng pagbagsak. Natagpuang walang malay ang dalawang sakay ng trainer plane at agad na dinala sa ospital pero kapwa idineklarang patay.
Sinabi ni Lt. Col. Roy Calulot, tagapagsalita ng Benguet Police, ang eroplano ay isang kulay abo, puti, at kulay kahel na eroplano na may logo ng PAF at may tail number na 10-39.
Sa pahayag ni PAF Spokesperson Col. Ma. Christina Basco, kinumpirma nito ang pagbagsak ng SF-260 trainer aircraft dakong alas-10:30 ng umaga habang nagsasagawa ng navigation training na dahilan ng pagkasawi ng dalawang pilotong sakay nito.
Ang nasabing aircraft ay kabilang sa 10 eroplano na lumipad sa Fernando Air Base sa Lipa City patungong Baguio City.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa sanhi ng pagbagsak ng PAF plane. — Joy Cantos
- Latest




















