Konstruksyon ng temporary coffer dam sa Bustos natapos na – NIA
BUSTOS, Bulacan, Philippines — Natapos na ang pagtatayo ng pansamantalang coffer dam sa mga nasirang rubber gate ng Bustos Dam na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration (NIA).
Sinabi ni Christian Manalo, acting Central Luzon NIA director na ang pagkumpleto ng pansamantalang coffer dam gamit ang mga steel sheet piles at pag-install ng isang metrong tonner sand bags ay nagpapataas ng elevation ng tubig sa Bustos Dam ng 16 metro.
Ang pagtatayo ng pansamantalang coffer dam ng Galleguez Builders and Construction Development Corp. ay nagsimula noong Pebrero 15 ngayong taon at natapos noong nakaraang Linggo.
Ang spilling level ng Bustos Dam ay orihinal na itinakda sa 17 metro ngunit nabawasan ito sa 15 metro nang gumuho ang Rubber Gates 3 at 5.
Matatandaang gumuho ang Rubber Gate 5 noong Mayo 2020 at Rubber Gate 3 noong Mayo noong nakaraang taon.
Noong Setyembre 2022, binalaan ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang contractor ng rubber gate ng Bustos Dam, ITP Construction, Inc. at ang supplier nitong Chinese rubber gate, na mahaharap sila sa mga kasong sibil at kriminal nang binalewala nila ang hindi mabilang na followup at demand letter na ipinadala ng NIA na may koordinasyon sa Bulacan government.
Sinabi ni Manalo na ang contractor at Chinese supplier ay blacklisted na sa paglahok sa alinmang infrastructure project ng ahensya at nahaharap ngayon sa mga kaso na inihain ng legal department ng NIA.
- Latest






















