Notoryus ‘agaw motor’ timbog sa Cotabato
COTABATO CITY , Philippines — Arestado ang isang 33-anyos na lalaking sangkot sa mga nakawan ng motorsiklo matapos mang-agaw ng Honda Click na “holdap-style” sa Barangay Rosary Heights 4, dito sa lungsod nitong Martes.
Kinumpirma ng mga awtoridad na nakakulong ang suspek na si Mohammad Sayong Akmad na sinasabing dawit sa pagnanakaw ng mga motorsiklo matapos nitong tutukan ng kanyang .45 STI Edge pistol ang mga may-ari ng sasakyan.
Sa ulat nitong Biyernes nina Capt. Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional-Bangsamoro Autonomous Region, at Col. Jibin Bongcayao, Cotabato City police director, agad na nahabol at naaresto si Akmad ng mga operatiba ng Cotabato City Police Station 1, sa pangunguna ni Major Teofisto Ferrer, Jr., matapos niyang maagaw ang Honda Click ng isang motorista sa De Mazenod Avenue sa Barangay Rosary Heights 4, Cotabato City nitong gabi ng Martes.
Tinutukan umano ni Akmad ng baril ang naturang motorista kaya napilitan nitong ibigay sa kanya ang susi ng Honda Click na agad niyang napaandar at pinaharurot palayo.
Nasukol ng mga pulis si Akmad sa Doña Blanca Street sa Mother Barangay Poblacion at doon, agad na nabawi sa kanya ang motorsiklong kanyang naagaw at itatakas na sana palabas ng Cotabato City.
- Latest



















