Breeder ng panabong, itinumba ng tandem

MANILA, Philippines — Patay ang isang breeder ng panabong na manok matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong riding-in-tandem sa naganap na karahasan sa bayan ng Calasiao, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Pangasinan Police, naganap ang pamamaslang sa biktima, 53-anyos sa Brgy. Ambonao, Calasiao ng lalawigang ito kamakailan.
Ayon sa imbestigasyon, kararating lamang ng biktima sa lugar lulan ng kaniyang motorsiklo na bumaba para buksan ang gate ng kaniyang bukid na kinaroroonan ng kaniyang mga alagang sasabunging manok nang mangyari ang krimen.
Bigla na lamang umanong sumulpot sa lugar ang mga salarin kung saan pinuntirya ng backrider ng pamamaril ang nasabing breeder.
Sunud-sunod na putok ang umalingawngaw sa paligid bunsod upang duguang bumulagta sa lupa ang biktima.
Samantalang mabilis namang tumakas ang mga salarin matapos na matiyak na napuruhan ang target.
Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang biktima ng mga sumaklolo ritong mga rescuers kasama ang ilang residente sa lugar pero idineklara na itong dead-on-arrival sa pagamutan.
Narekober naman ng mga operatiba ng pulisya sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang kasong ito habang nagsasagawa na rin ng backtracking sa mga kuha ng CCTV upang maresolba ang krimen at mapanagot sa batas ang mga salarin.
- Latest





















