Mayon muling nagbuga ng makapal na abo

Legazpi City, Albay, Philippines — Makapal na abo ang muling bumagsak at dumagdag pa sa pahirap sa maraming lugar sa Albay matapos na muling magkaroon ng lava collapsed-fed at pagdausdos ng pyroclastic density current o uson ang Mt. Mayon sa southwestern part ng bulkan kahapon ng umaga.
Sa panayam kay Doreen Abelinde, OIC ng Phivolcs Ligñon Hill Observatory Station sa Legazpi City, naganap ang lava collapsed at pag agos ng uson o pyroclastic density current (PDC) dakong alas-11:22 ng umaga. Rumagasa umano ang PDC pababa sa Miisi-Gully na umabot sa layong 3-kilometro mula sa crater. Umabot sa taas na 4-kilometro (above sea level) ang na-generate na abo o ash plume. Dahil sa walang masyadong hangin sa taas ng bulkan ay ilang minuto na natigil ang makapal na abo sa taas bago bumagsak. Maliban sa mga bayan ng Camalig, Daraga, ay umabot na rin ang ashfall sa ilang barangay sa Legazpi City at bayan ng Sto.Domingo na nasa paanan ng bulkan.
Agad nagpalabas ng abiso si Camalig Mayor Carlos Irwin Baldo at pinayuhan ang mga residente na magsuot ng facemask, mag-ingat at iwasan munang lumabas ng mga bahay.
Ayon sa posts ng alkalde sa kanyang social media accounts, base umano sa pahayag ng DOST-Phivolcs kahit nasa ilalim pa rin ng alert level 3 ang estado ng Mayon ay nagpapakita ito nang magmatic eruption at pagkabuo ng lava dome sa summit at malaki ang posibilidad ng patuloy na pagkakaroon ng lava collapse at mapaminsalang pyroclastic density current o uson. Inaasahan rin ang pagkakaroon ng explosive activity o malakas na pagputok ng bulkan sa susunod na mga araw o linggo.
- Latest


















