Mag-ama tinangay ng baha, tatay patay
SARANGANI, Philippines — Bangkay na nang matagpuan ng mga residente ang isang ama ng tahanan, habang kasalukuyang pinaghahanap ang anak nito matapos na kapwa maanod mula sa rumaragasang tubig-baha, kahapon ng umaga sa bayan ng Malapatan, dito sa lalawigan.
Sa inisyal na ulat, kinilala ang biktima na si Dyok Balande, nasa hustong gulang na natagpuang wala nang buhay sa balumbon ng nabuwal na malaking puno ng niyog at mga basura sa naturang bayan.
Ayon sa mga residente, tinangay ng malakas na agos ng tubig-baha na dulot ng malakas na ulan noong Lunes ng alas-6 ng gabi ang biktima kasama ang kaniyang menor-de-edad na anak habang pauwi ang mga eto sa kanilang tahanan.
Sa kasawiang-palad ay hindi nakayanan ng mister at anak nito ang rumaragasang tubig-baha kung kaya’t inanod na naging sanhi ng kamatayan ng una.
Dagdag pa na nahiwalay sa tatay ang anak nito na kasalukuyan namang pinaghahanap pa kung saan umaasa naman ang pamilya ng nasawi na matatagpuan pa nilang buhay ang huli.
Agad na ikinasa kahapon ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Malapatan ang search and retrieval operation sa anak ng nasawi na nawawala.
- Latest

















