Mt. Mayon muling nagbuga ng makapal na abo, lava umagos

LEGAZPI CITY, Albay , Philippines — Hindi pa nga tuluyang nalilinis ang makapal na abo na tumabon sa mga apektadong kabahayan, kalsada lalo na sa mga pananim ng mga magsasaka sa Albay, muli na namang nagbuga ng makapal na abo ang Bulkang Mayon kahapon ng hapon.
Alas-2:28 nang maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pagkakaroon muli ng lava flow collapse-fed pyroclastic density current sa southwestern slopes ng bulkan na sinundan ng minor strobolian activity dakong alas-4:21 ng hapon.
Nakitang muli ang makapal na abo na bumagsak sa kalapit na mga lugar sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan at iba pang katabing lugar.
Sa naging pagpupulong kamakalawa ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office sa pangunguna ni Gov. Noel Rosal, nagbabala ito sa lahat na huwag pumasok at lumapit sa mga deklaradong danger area maging sa Miisi-Binaan Channel sa Daraga dahil sa nakitang puno na ang ilang bahagi ng gully at malaki ang peligro na mag-overflow ang uson. Dahil sa nakitang banta ng pagragasa ng uson ay pinag-aaralan ng PDRRMC na palawigin ang danger area hanggang pitong kilometro sa bahagi ng Brgy. Miisi.
Dahil naman sa papalapit na bagyong Hagupit/Caloy ay naghahanda na ang lalawigan sa posibleng paglikas dahil sa inaasahang pagragasa ng lahar at iba pang volcanic debri.
Inabisuhan ang kanilang disaster risk reduction officers at mga barangay officials na magbantay at maging mapagmatyag.
Maging ang bayan ng Guinobatan sa pangunguna ni Mayor Gemma Ann Onjoco ay naghahanda na sakaling kailangan nang magpatupad nang paglilikas lalo na sa Brgy. Masarawag at katabing mga barangay upang mailigtas ang mga residente sa pinangangambahang pagragasa ng lahar. (Jorge Hallare, Angie dela Cruz)
- Latest



















