Biglang pagragasa ng lahar sa Mayon, ibinabala

Dahil sa naipong volcanic materials
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagbabala kahapon sina Paul Karson Alanis, supervising science research specialist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology at Doreen Abelinde, OIC ng Ligñon Hill Observatory Station ng Phivolcs sa Legazpi City sa malaking peligro ng mga naipong volcanic materials sa apat na buwan nang pag-aalboroto ng Bulkang Mayon simula noong Enero 6.
Sa panayam, inihayag ni Alanis na simula ng itaas sa Alert Leve 3 ang status ng bulkang Mayon ay umabot na sa 61-milyong cubic meters ang inilabas na volcanic materials. Mas mataas ito sa tinatayang 49-50 milyong cubic meters na inilabas noong 2023 eruption sa loob ng anim na buwan.
Ang patuloy na mahinang eruption nito ay nagdaragdag umano ng peligro sa malaking posibilidad ng pagkakaroon ng mapaminsalang pyroclastic density currents o uson dahil sa nananatiling “loose at unstable” ang milyun-milyong bagong deposito na pwedeng iragasa pababa ng bulkan.
Ang malaking depositong ito ng bagong volcanic materials ay nasa tatlong malalaking gully ng Mt. Mayon sa Miisi sa bayan ng Daraga, Bonga sa Legazpi City at Basud Gully sa bayan ng Sto.Domingo.
Gaya umano sa nangyari noong Mayo 2 na nagkaroon ng minor strombolian eruption at lava collapsed-fed pyroclastic density currents na dahilan ng naranasang pinakamalaking ashfall simula noong pag-aalboroto ng bundok.
Dahil sa pagiging unstable ng bagong deposito ay pwedeng biglaan itong rumagasa nang walang babala hindi lang sa loob ng mga gullies kundi pwede pang kumalat sa pwede pa niyang daanan.
Ayon naman kay Abelinde, kahit kumalma na ang Mayon ay naroon pa rin ang malaking peligro at banta sa sinumang papasok sa danger area. Karaniwan na umanong tumatagal hanggang ilang taon bago lumamig ang iniluwang bagong lava at pwedeng magdulot pa ito ng biglaang explosion lalo na kung masyado pang mataas ang internal temperature ng bulkan.
Ang malakas na ulan naman na aabot sa 300-350 millimeters na sanhi ng bagyo ay malaking banta sa mga komunidad sa ibaba ng bundok dahil sa puwedeng rumagasa ang bagong deposito sa pamamagitan ng lahar kasama ang mga loose debris.
- Latest
















