CALAX Subsection 3 bubuksan ngayong Mayo 5
MANILA, Philippines — Magandang balita dahil mas bibilis na ang biyahe ng mga motorista mula Biñan, Laguna papuntang Governor’s Drive sa General Trias, Cavite.
Ito’y matapos na ipag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng Cavite-Laguna Expressway (CALAX) Subsection 3 dakong alas-12:00 ng madaling araw ngayong Martes, Mayo 5.
Personal ding ininspeksiyon ni Pang. Marcos kahapon ng umaga ang 7.8-kilometrong bahagi ng CALAX Subsection 3, kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Ayon sa Pangulo, sa tulong ng naturang CALAX Subsection 3, mas mapapaikli ng 30-minuto ang biyahe ng 6,000 na motorista sa pagitan ng Biñan, Laguna at General Trias, Cavite na dati ay umaabot sa isang oras at inaasahan ding makakatulong sa mga motorista na makatipid sa konsumo ng gasolina.
Nabatid na dahil sa matinding traffic, humahaba ang biyahe, tumataas ang gastos, at nababawasan ang oras ng mga biyahero at motorista kasama ang kanilang mga pamilya.
Bilang tugon, binuksan naman ng pamahalaan ang CALAX Subsection 3, na unang bahagi ng Cavite segment, na inaasahang magpapaluwag ng trapiko sa lugar.
Ani Dizon, ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na CALAX project na magdurugtong sa Manila-Cavite Expressway at South Luzon Expressway (SLEX) para sa mas mabilis na galaw ng tao, negosyo, at ekonomiya sa Calabarzon.
- Latest




















