Puganteng kano timbog sa Cebu
MANILA, Philippines — Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Cebu ang isang Amerikanong “wanted” sa mabibigat na kasong kriminal sa Estados Unidos.
Kinilala ang naaresto na si Kenneth Alan White, 44- anyos, na nahuli noong Abril 29 sa isang residential area sa Lungsod ng Danao, Cebu ng mga operatiba ng BI Fugitive Search Unit (FSU). Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Estados Unidos, mga yunit ng Philippine National Police, at lokal na tagapagpatupad ng batas.
Ayon sa ulat, hinahanap si White sa Texas kaugnay ng mga kasong pagbabanta na ilathala ang sensitibong materyal at tangkang pinalubhang pananakit gamit ang nakamamatay na sandata. Mayroon din umano siyang naunang hatol sa kasong pinalubhang pananakit (felony aggravated assault) sa Arizona. Batay sa rekord ng BI, pumasok si White sa Pilipinas noong Marso 2025 bilang pansamantalang bisita ngunit hindi na nag-extend ng pananatili lampas Hunyo 2025, kaya siya ay itinuturing na overstaying na dayuhan. Na-flag na rin siya bilang isang hindi kanais-nais na dayuhan.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa mga dayuhang lumalabag sa batas.
Nasa kustodya ng pulisya sa Lungsod ng Danao si White at ililipat sa BI Warden Facility sa Maynila para sa pagsasampa ng kasong deportasyon.
- Latest



















