P68 milyong shabu sa trike, nasabat sa Pagadian

COTABATO CITY, Philippines — Isang residente ng Cotabato City ang nakumpiskahan nitong hapon ng Martes ng 10 kilos na shabu, nagkakahalaga ng P68 million, na natagpuang lulan ng kanyang puti na trike, mas kilala na “bao-bao,” na hinarang lang sana ng isang Police Highway Patrol Team sa Barangay Buenavista sa Pagadian City upang masuri ang registration documents nito.
Nakadetine na ang suspect na si Jomar Abdullah, residente ng Esteros Street, Cotabato City, sa isang police facility sa Pagadian City.
Sa hiwalay na ulat nitong Miyerkules ng local executives, Police Regional Office 9 at ni Police Major Jason Ray Gomera ng Provincial Highway Patrol Team-Zamboanga Del Sur, sinita lang ang suspect ng mga pulis na noon nagsasagawa ng anti-carnapping checkpoint sa Barangay Buenavista at doon, nadiskubreng wala siyang dalang Certificate of Registration para sa kanyang three-wheeled vehicle kaya siya pinigil upang imbestigahan.
Napuna nina Gomera at kanyang mga kasama na may sikretong compartment sa ilalim ng upuan ang naharang na trike ni Abdullah at nang kanilang siyasatin ay nadiskubre sa loob ng sasakyan ang 10 plastic packs na may lamang puting crystalline particles kaya sila agad na tumawag ng mga operatiba ng Police Provincial Drug Enforcement Unit mula sa Zamboanga del Sur Provincial Police Office na siyang nagkumpirma na shabu ang naturang kargamento.
Tumitimbang ng isang kilo ang bawat isa sa 10 plastic packs na may lamang shabu na natagpuan sa trike ni Abdullah, may kabuuang halaga ng P68 million, o P6.8 million bawat kilo, ayon sa mga officials ng anti-narcotics units ng Zamboanga del Sur provincial police at Pagadian City Police Office.
Sa paunang imbestigasyon, ihahatid sana ni Abdullah sa isang lugar sa Pagadian City ang 10 kilos na shabu na nakumpiska mula sa kanya.
- Latest




















