8 operators ng tagging drug den timbog sa raid

COTABATO CITY, Philippines — Walong shabu dealers, lima sa kanila mga babae, na magkasabwat sa pamamalakad ng tagong drug den, ang naaresto ng mga anti-narcotics agents nitong Huwebes sa Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City sa isang operasyon na naikasa sa tulong ng mga city at barangay officials.
Nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) ang walong suspect na kinilalang sina Bai Yhasmin Barudi Usman, Shaina Midtimbang Pandita, Normina Kamad Dimalen, Odessa Kanakan Afdal, Mariam Adam Matubil, at ang kanilang mga lalaki umanong kasabwat na sina Datu King Batudi Usman, Datu Jun Munting Abdulkarim at Esmael Mambayao Odin, na sinampahan na ng kaukulang mga kaso.
Kinumpirma nitong Sabado ni Edgar Jubay, director ng PDEA-BARMM, ang pagkaaresto sa limang babae at tatlong lalaking suspek sa isang entrapment operation mismo sa kanilang drug den sa isang residential area sa Barangay Rosary Heights 10.
Ayon kay Jubay, ang mga suspek ay agad inaresto ng mga PDEA-BARMM agents at mga operatiba ng iba’t ibang units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na kanilang binentahan ng shabu sa buy-bust operation na suportado ng director ng Cotabato City Police Office, si Col. Jibin Bongcayao, ng mga barangay officials at ng tanggapan ni Mayor Bruce Matabalao.
Maliban sa P170,000 na halaga ng shabu, nakumpiska rin mula sa mga suspek ang dalawang mobile phones na may numero ng kanilang mga contacts sa Cotabato City at sa mga karatig na mga bayan sa Maguindanao del Norte.
- Latest




















