5 bata patay sa lunod sa lawa!

Sirang ref ginawang bangka
COTABATO CITY , Philippines — Limang mga elementary pupils ang nasawi sa pagkalunod, habang naliligo sa isang lawa sa Barangay Panoroganan sa Marawi City nitong tanghali ng Huwebes.
Magkahiwalay na kinumpirma nitong Biyernes ng mga officials ng Marawi City Police Station at ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang pagkasawi ng tatlong mga batang lalaki at kanilang dalawang mga kalarong babae sa naturang insidente.
Sa ulat ng mga kawani ng mayor’s office sa Marawi City, kabisera ng Lanao del Sur, nagkatuwaang maligo sa naturang water pond ang mga nasawi sa pagkalunod na sina Rania Dobar Tucal, 11-anyos, ang kanyang kapatid na si Norol-Iman, 10-anyos, Salah Nasif, 7-anyos, at dalawang iba pa na kinilala lang ng mga imbestigador ng pulisya na sina Neshren, 11-anyos at ang 7-anyos na si Rahman ayon sa kahilingan ng kanilang mga magulang.
Nadeklarang dead-on-arrival ng mga doctor sa isang ospital sa Marawi City ang limang mga bata kung saan sila dinala ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.
Isang kalaro ng limang mga bata, si Fatma Nur Nasif, 8-anyos, ang nasagip ng mga rescuers at agad na nabigyan ng first aid, ayon sa mga kawani ng Marawi City Disaster Risk and Management Office.
Malayo sa mga kabahayan ang lugar kung saan nagkatuwaang maligo ng mga batang nasawi sa insidente na labis na ikinalungkot ng kanilang mga magulang at ng mga local executives sa Marawi City.
Ayon kay Police Capt. Steffie Salanguit, spokesperson ng PRO-BAR, habang naliligo, nagkatuwaan na sumakay sa isang sirang bukas na refrigerator na kanilang ginawang parang bangka ang limang mga bata at isa-isa silang nahulog ng tumagilid ito sa malalim na bahagi ng naturang mistulang lawa kaya sila sabay-sabay na nalunod na nagsanhi ng kanilang pagkamatay.
- Latest




















