5,400 litro ng petrolyo nasabat sa van
TABACO CITY, Albay, Philippines — Aabot sa 5,400 litro ng petroleum products o diesel fuel na itinago sa loob ng Forward-closed van truck na nakatakda sanang itawid ng dagat patungong lalawigan ng Catanduanes ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard District Bicol bago pa man ito makasampa ng barko sa Tabaco City Port sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.
Arestado at nahaharap sa patung-patong na kaso kaugnay sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 ng Republic Act 1865 ang driver ng trak na si Luis, 54-anyos at pahinanteng si Noel, 35-anyos, kapwa residente ng Brgy. Mabini, Caramoran, Catanduanes.
Sa ulat ng PCG-District Bicol sa pangunguna ni Commodore Ivan Roldan, alas-11:15 ng umaga, nagkaroon ng random K9 paneling at routine inspection ang mga tauhan ng Coast Guard K9 Unit, CG Intelligence Group at Special Operation Group sa lahat ng mga outbound cargoes bago sumampa ng barkong patungo ng San Andres Port sa Catanduanes.
Idineklara ng mga suspek na ang kanilang karga ay mga saku-sakong semento, bigas at solar panels.
Gayunman, sa aktwal na inspection sa naturang trak ay agad umamin ang mga suspek na may karga silang mga petroleum products na nakalagay sa mga kulay blue na plastic drums at puting square IBC tanks na may metal frame.
Umabot sa halos 5,400 litro ang nadiskubreng krudo na sadyang itinago sa pinakaloob na tinakpan ng trapal habang sa unahang bahagi ay ang mga saku-sakong semento, bigas at solar panels.
Agad na kinumpiska ang mga petrolyo at inimpound ang trak.
- Latest





















