Solar irrigation sa Central Luzon itinutulak ng NIA
Para bawas gastos sa krudo ng magsasaka
URDANETA CITY, Pangasinan , Philippines — Pinalalawakan ng National Irrigation Administration (NIA) ang paggamit ng solar-powered irrigation sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon upang matulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang pagdepende sa mahal na krudo.
Sa Ilocos Sur, nagpatupad ang NIA ng ilang solar pump irrigation projects, kabilang ang Cabaroan Solar-Powered Irrigation Project sa bayan ng San Esteban na nagsisilbi sa humigit-kumulang 30 ektarya at nakikinabang ang 68 magsasaka.
May isa pang proyekto sa bayan ng San Ildefonso na nagbibigay ng patubig sa 15 ektarya ng sakahan at sumusuporta sa 20 magsasaka, bahagi ng hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig lalo na sa panahon ng tagtuyot.
Sa Ilocos Norte, nag-i-install din ng solar irrigation systems ang Department of Agrarian Reform (DAR) katuwang ang mga lokal na pamahalaan. Sa 21 target na yunit, 16 na ang natapos sa ilalim ng P50-milyong programa na layong pababain ang gastos sa produksyon, ayon kay NIA-Region 1 acting regional manager Geffrey Catulin.
Ayon kay NIA Administrator Eddie G. Guillen, base sa resulta sa Ilocos Region, kayang magpababa ng hanggang 60 porsyento ng gastusin sa patubig ang solar-powered systems dahil hindi na kailangang gumamit ng krudo sa mga water pump.
- Latest


















