102 pulis sa Puerto Princesa, sibak sa ‘shootout’!

Buong puwersa ng Police Station 2 ‘winalis’
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Sinibak lahat ang buong police personnel ng Police Station 2 na nakabase sa Barangay Irawan sa Puerto Princesa City sa Palawan kasunod sa naganap na “shootout” noong Biyernes Santo, na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang kabaro at isang Bureau of Correction (BuCor) officer. Ayon kay Col. Dennis De Leon, Puerto Princesa City director, kabilang ang apat na pulis na unang inaresto at dinisarmahan dahil sa pagkakasangkot sa insidente ang kabilang sa 102 police personnel na tinanggal sa kanilang posisyon.
Pinaalalahan ni De Leon ang mga incoming at outgoing na pulis sa kanilang mga obligasyon at responsibilidad sa publiko at lipunan. Magmumula aniya ang mga kapalit na tauhan sa Police Station 2 sa iba pang istasyon ng pulisya sa Puerto Princesa upang mapanatili ang maayos na operasyon ng istasyon.
Ito ay upang matiyak na walang kinikilingan at maiwasan ang anumang hindi nararapat na impluwensya sa patuloy na pagsisiyasat, dagdag ni De Leon.
Nagsasagawa ng parallel investigation ang Internal Affairs Service-Mimaropa at National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente.
Kaugnay nito, pormal na hiniling ng pamunuan ng BuCor sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng reenactment o “pagsasadula” ng sinasabing shootout na humantong sa malagim na pagkamatay ng isa nilang tauhan noong gabi ng Biyernes Santo sa Puerto Princesa.
Ipinakita rin ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang video at mga larawan na makikita si CO1 Jerson Talon, na nakadapa sa lapag habang nakagapos ang mga kamay patalikod at ang pamilya nito na naroon sa pangyayari.
Binigyang-diin ng BuCor na ang pakikilahok ng Philippine National Police (PNP) at ng NBI ay mahalaga dahil sangkot sa insidente ang parehong ahensya ng gobyerno.
Kinilala at pinasalamatan ni Catapang si PNP Chief Jose Melencio Nartatez sa pagsibak at sa mga opisyal at mga tauhan ng pulisya sa Puerto Princesa kaugnay sa insidente.
Plano ng pamilya ni Talon na magsampa ng mga reklamong administratibo at kriminal.
Bukod kay Talon, patay ang mga rumespondeng pulis sa komosyon sa lamay sa patay na sina PStaff Sergeants Ryan Cris Cabaña at Jayson Fernandez ng Puerto Princesa-PS2.
- Latest




















