Lamayan niratrat ng tandem: 1 patay, 16-anyos sugatan!

CAVITE, Philippines — Bulagta ang isang lalaki habang sugatan nang masapol ng ligaw na bala ang 16-anyos na estudyante nang umatake at mamaril ang riding-in-tandem sa lamayan ng nakaburol na kaibigan kamakalawa sa Brgy. San Manuel 1, Dasmariñas City.
Sa report ng pulisya, kinilala lang ang nasawi na si alyas “Tito”, 44-anyos, residente sa nasabing lugar habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang sugatang binatilyo na si alyas
“Don”.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3 ng madaling araw nang maganap ang insidente. Kasalukuyang nasa burol ng namatay nitong kaibigan si Tito at naglalaro ng Cara y Cruz nang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Isa sa mga suspek ang bumaba sa motor at tuluy-tuloy sa loob ng lamayan at nang makita ang target na si Tito ay dito na siya pinagbabaril.
Duguang bumulagta si Tito habang nahagip ng ligaw na bala ang binatilyong si Don na nakikipaglamay rin sa nakaburol na patay.
Nang duguang bumulagta ang target na biktima, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklong Honda click na walang plaka.
- Latest


















