Drug lab nalansag sa Oriental Mindoro
MANILA, Philippines — Umiskor ang mga operatiba ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) matapos malansag ang isang tinukoy na laboratory ng ilegal na droga sa isinagawang raid sa isang compound sa Puerto Galera, Oriental Mindoro, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni PRO-MIMAROPA Director P/Brig. Gen. Jovencio Badua Jr., ito’y kasunod ng pinaigting na anti-drug operations sa Region IVB laban sa illegal na droga.
Ayon sa opisyal, nagsimula noong Marso 29 ang surveillance operations sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon ang Puerto Galera Municipal Police sa kahina-hinalang mga aktibidad.
Nang makumpirma ang ilegal na operasyon sa lugar at makakuha na ng search warrant noong Lunes sa korte ay agad ikinasa ng pulisya ang raid kinabukasan (Marso 31) at nalansag ang umano’y shabu laboratory.
Nakumpiska sa raid ang mga naka-paketeng shabu at mga materyales na hinihinalang gamit sa paggawa ng illegal na droga.
- Latest























