Kawani ng MDRRMO itinumba ng tandem
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Patay agad ang isang kawani ng Municipal Disaste Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Sariaya Quezon matapos pagbabarilin ng isa sa motorcycle riding in tandem criminals sa Barangay Lutucan 1, Sariaya, Quezon kahapon ng umaga.
Base sa ulat ni Quezon Provicial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, kinilala ang biktima na si “Pepe,” 37, may-asawa, at residente ng Brgy. Lutucan, Malabag, Sariaya, Quezon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police, alas-7:30 ng umaga, sakay ang biktima sa kanyang kotse upang pumasok sa munisipyo.
Pagsapit umano ng biktima sa bahagi ng railroad crossing sa Barangay Lutucan 1 ay bigla na lamang sumulpot ang mga salarin na sakay ng isang motorsiklo at makailang beses itong pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mabilis na rumesponde ang mga tauhan ng Sariaya MDRRMO at isinugod ang biktima sa Ace Medical Center sa Sariaya para lapatan ng lunas, ngunit idineklara itong Dead-on-arrival ng attending physician na si Dra. Sade Satorre.
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang mga otoridad upang malaman ang motibo sa krimen habang patuloy ang pakikipanayam sa mga posibleng testigo at pagba-backtrack sa mga CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
- Latest
















