Bulkang Bulusan balik sa alert level 1!
Higit 400 na pagyanig, naitala
BULUSAN, Sorsogon, Philippines — Makaraang bumalik sa baseline level ang lahat ng parameters at ibaba sa alert level zero noong gabi ng Pebrero 6, muling itinaas sa alert level 1 o low-level unrest ng Philippine Volcanology and Seismology (Phivolcs) kahapon ng alas-12 ng tanghali ang estado ng Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon matapos biglaang makapagtala ito nang higit 400 na volcanic earthquakes.
Sa tala ng Phivolcs, mula Marso 15 hanggang kahapon ng tanghali ay umabot ng 475 ang bilang ng mga pagyanig sa loob ng bulkan. Karamihan umano nito ay mahihinang volcano-tectonic earthquakes na sanhi ng pagkabasag ng mga bato sa mababaw na bahagi ng Mt. Bulusan. Gaya ito umano noong Hunyo, 2022 at Abril 2025 na biglaang nagkaroon ng phreatic eruption ang bulkan makaraang magkaroon ng swarms of volcanic earthquakes kaya pinag-iingat ang lahat ng residente na huwag pumasok sa ideneklarang 4-kilometer radius danger zones.
Bagama’t mababa lamang sa 91-tonelada bawat araw ang ibinubugang asupre (sulfur dioxide emission) pero nitong huling linggo ng Pebrero at unang bahagi ng Marso ay naitala sa ground deformation monitoring ang pamamaga ng katawan ng bulkan sa kanluran at timog-silangang bahagi.
Sa kabuuang datos ay nagpapakita ng pagkakaroon ng hydrothermal processes ang Bulusan at malaki ang posibilidad nang pagkakaroon ng phreatic eruption.
Maliban sa 4-km radius permanent danger zone ay inaabisuhan ring mapagmatyag ang mga nasa 2-km radius extended danger area sa posibleng pyroclastic density currents, pagbagsak ng malalaking bato, at abo na lubhang mapanganib sa lahat.
Nag-abiso rin ang Phivolcs na bawal ang pagpapalipad ng mga eroplano malapit sa bulkan at pinag-iingat ang mga residente sa lahat ng peligro na dala ng muling pag-aalboroto ng bulkan.
- Latest
















