Kotse sumalpok sa bangketa: 4 todas!

Nawalan ng preno
MANILA, Philippines — Patay ang apat katao at isa ang malubhang nasugatan nang salpukin ng isang kotse na nawalan umano ng preno sa Angono, Rizal, Linggo ng hapon.
Arestado ang 66-anyos na babaeng driver ng kotseng sangkot sa aksidente na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injuries kaugnay sa pagkasawi ng apat at sa pinsala na natamo ng isa pang biktima makaraang sugatan at mabungi ang mga ngipin.
Sa ulat ng Angono Municipal Police Station, pasado ala-1:00 ng hapon nitong Marso 15, nang maganap ang insidente sa Manila East Road, Barangay San Isidro, Angono.
Isang rumaragasang pulang Sedan ang biglang bumangga sa isang motorsiklo at dumiretso sa pababang bahagi ng kalsada at natumbok ang bakery.
Tumilapon ang magnobyong rider at backrider kasabay ng motorsiklo sa bakery at inararo naman ang nakaupong 69-anyos na babae at dalawang binatilyo.
Tatlo sa nabangga ang naipit sa bumper ng kotse, habang wasak ang sasakyan.
Dead-on-the-spot ang palaboy, habang sa ospital binawian ng buhay ang tatlo na kinabibilangan ng 26-anyos na backrider, 23-anyos na rider at nobyo nito at 15-anyos na binatilyo.
Ligtas na panganib ang 13-anyos na nagtamo ng mga galos at mga nalagas na ngipin bunsod ng pangyayari.
Ang magnobyo umano ay dadalo lang sa isang birthday party sa Tanay, Rizal, na ayon sa kaanak ng babaeng angkas, breadwinner siya na may isang anak, hindi pa nagtatagal namatayan ng ina, at isang senior citizen ang ama.
- Latest















