Wing van nasunog: 19-anyos graduating student patay
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng graduation ceremony ang isang estudyante na nakatakdang mag-graduate nang makulong ng apoy sa loob ng nasusunog na wing van na kaniyang ikinasawi sa kahabaan ng highway ng Zarraga, Iloilo kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si Janzen Brillo, graduating student ng senior high school at isa sa mga crew ng sound system na ibinibiyahe nila sakay ng wing van.
Sa report ng Iloilo Police, nangyari ang insidente sa kahabaan ng highway ng Brgy. Inagdangan Centro ng nasabing bayan. Kasalukuyan umanong natutulog ang biktima sa likod ng wing van nang biglang magliyab ang sasakyan.
Sinasabing excited pa ang biktima dahil ilang linggo na lamang ay magtatapos na siya sa senior high school kaya ganado sa pagsa-sideline sa pagde-deliver ng sound system.
Bigla na lamang sumiklab ang sunog sa wing van na ayon sa mga awtoridad ay posibleng sanhi ng itinapong upos ng sigarilyo at pagpalya ng elektrisidad.
Nabigo nang makaligtas ang biktima dahil natutulog siya ng sumiklab ang sunog na tumupok sa nasabing wing van.
Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad ang posibleng anggulo ng “foul play” sa kasong ito.
Sa pagtaya nasa mahigit P800,000 ang naging pinsala sa insidente.
- Latest




















