Eco-Resiklo program inilunsad sa Infanta
INFANTA, Quezon, Philippines — Pinangunahan ni Mayor L.A. Ruanto ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement para sa pormal na paglulunsad ng Eco-Resiklo Program sa bayang ito.
Layunin ng inisyatibang ito ni Mayor Ruanto na mahikayat ang mga kabataan na maging responsable sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng tamang paghihiwalay at pagkolekta ng mga recyclable na basura mula sa kanilang mga tahanan. Ang mga nakolektang basura ay dadalhin sa mga paaralan tuwing itinakdang Eco-Days at itatala sa kanilang Eco-Savers Passbook.
Ang mga naipong puntos mula rito ay maaaring ipalit ng mga de lata sa mga groceries o school supplies.
Ang programang ito ay isang mahalagang hakbang upang hubugin ang disiplina ng mga kabataan sa murang edad tungo sa mas malinis at luntiang Infanta.
Inaasahan din na higit pang mapapalakas ng inisyatiba ang Eco-Savers Program ng lokal na pamahalaan.
- Latest



















