5 suspek sa hazing ng maritime student, sumuko

MANILA, Philippines — Sumuko na sa mga otoridad ang lima pang miyembro ng Tau Gamma Phi (TGP) na kabilang sa 18 katao na iniuugnay sa pagkamatay ng freshman maritime student na si Mark Kenneth Alcedo dahil sa hazing sa General Trias City, Cavite noong Marso 1.
Kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla, ang boluntaryong pagsuko sa General Trias Police ng apat makaraang manawagan ang TGP sa mga miyembro na sangkot sa hazing na sumuko na sa batas.
Ang apat na miyembro ay kinilala lamang sa mga alyas na John, 22, “Archie,” 21, “Kenneth,” 18, at “Rey,” 19, pawang miyembro ng Tau Gamma Phi. Sila ay nasa 18-22 anyos na pawang estudyante ng Philippine Nautical and Technological Colleges (PNTC).
Bukod rito, isa pang ka-miyembro ng nasabing fraternity ang sumunod na isinuko ang sarili sa Dasmariñas City Police.
Kahapon, kinasuhan na rin ang mga sangkot sa pagkamatay ng nasabing estudyante sa initiation rites ng TGP.
Ayon kay Col. Ariel Red, Cavite police director, 14 na katao at tatlong hindi pa nakikilalang indibidwal na na-tag bilang mga John Does ang kinasuhan ng paglabag sa Anti-Hazing law sa City Prosecutor’s Office sa Dasmariñas City, Cavite, bandang alas-10 ng umaga kahapon.
Una na ring sinampahan ng kaso ang driver ng sasakyan na naghatid sa biktima sa ospital kasunod ng kanyang pagsuko.
Magugunita na noong Biyernes ay nakipagkita si Remulla sa mga lider TGP national council at hiniling sa kanila na tumulong na pasukuin ang mga miyembrong nasa likod ng karumal-dumal na insidente.
- Latest
















