Senior high utas sa ligaw na bala

Bakbakan ng magkalabang angkan
MANILA, Philippines — Patay ang isang 19-anyos na senior high school student matapos itong tamaan ng ligaw na bala sa rido o bakbakan ng magkalabang angkan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Miyerkules.
Sa report, sinabi ni Capt. Steffi Salanguit, Spokesperon ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), kinilala ang nasawi na si Nadia Haron Ebad, residente ng Brgy, Damatulan, Nabalawag sa Special Geographic Area ng BARMM.
Ayon sa opisyal, ang insidente ay matapos namang magbakbakan ang magkalabang angkan ng mga armadong kalalakihan sa kanugnog na lugar sa Brgy. Lumupog, Midsayap, Cotabato umpisa pa noong Marso 3. Ang clan war ng dalawang angkan ay umabot sa Brgy, Damatulan kung saan tinamaan ng ligaw na bala ang nasabing estudyante.
Base sa imbestigasyon, ang biktima ay nasa bisinidad ng may tabing ilog para pumunta sa kanilang tahanan upang kunin ang mahahalaga nitong kagamitan sa kanilang pansamantalang paglikas upang hindi maipit sa sagupaan.
Gayunman, minalas na tamaan ng ligaw na bala ang biktima na tinamaan sa kaniyang ulo na siyang kumitil sa buhay nito.
Nang humupa ang sagupaan ay narekober ng kaniyang pamilya sa tulong ng mga Barangay Tanod ang bangkay ng biktima.
Inilibing na ang biktima ng kaniyang pamilya alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim na sa loob ng 24 oras kapag namatay ay ihimlay na .
Sa tala, ito ang ikalawang pagkakataon na may nasawi sa stray bullet sa clan war kung saan noong Enero 11 ng taong ito ay namatay rin ang isang kindergarten pupil sa Damabalas Elementary School sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur. (Joy Cantos)
- Latest




















