2 grade 3 nalunod, todas
MANILA, Philippines — Nilamon ng malakas na agos ang dalawang elementary pupils matapos na magkatuwaang maligo sa kanal ng isang irigasyon sa bayan ng Ubay, Bohol noong Martes, ayon sa ulat kahapon.
Ang dalawang nasawi ay nagkakaedad ng 9 at 10 anyos; pawang Grade 3 students sa Governor Boyles Elementary School sa bayang ito.
Sa ulat ng Bohol Police, dakong alas-10 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng dalawang bata, pero bandang alas-5 na ng hapon ito naiulat sa pulisya.
Base sa imbestigasyon, maagang pinauwi ng kanilang guro ang mga estudyante matapos na mag-sick leave ang kanilang guro bunsod upang makansela ang kanilang klase.
Gayunman sa halip na umuwi na sa kanilang tahanan ay nagkatuwaan ang mga batang estudyante na maligo sa kanal ng National Irrigation Administration (NIA) sa Brgy. Boyles ng bayang ito.
Ang dalawang bata ay tinangay ng malakas na agos nang mapagawi sa malalim na bahagi ng naturang kanal ng irigasyon bunsod upang kapwa ang mga ito malunod sa insidente. Narekober naman ang bangkay ng mga biktima may 300 metro ang layo kung saan ang mga ito nag-swimming.
Kaugnay nito, pinaalalalahan naman ng mga lokal na opisyal ang mga magulang at guardian ng mga batang estudyante na bantayan ang mga itong mabuti saka pangaralan upang maiwasang mapahamak.
- Latest

















