Pagdaraos ng BulSU admission test, binatikos

MANILA, Philippines — Umani ng batikos ang Bulacan State University Admission Test (BulSUAT) mula sa mga magulang ng mga kukuha ng pagsusulit dahil sa kabila ng dagsa ng mga estudyante ay nanatiling suliranin ang kawalan ng sapat na espasyo para pag-iwanan ng kanilang mga personal na gamit.
Batay sa reklamo, nasa tinatayang 22,000 admission test takers ng BulSU Main Campus ang namroblema ilang oras bago ang pagsisimula ng second batch ng nasabing exams nitong Marso 1.
Batay sa datos ng BulSU Admissions Office, bukod sa mga examinees sa Main Campus, mayroon ding humigit-kumulang 9,000 AT-takers sa mga external campus, na ayon sa mga personal na report na ipinadala sa Pacesetter ay nakararanas ng kahalintulad na sitwasyon hinggil sa kanilang mga kagamitan na walang mapaglagakan.
Nagsimula ang unang batch ng pagsusulit alas-7:30 ng umaga, bagaman umabot na hanggang Gate 4 ng BulSU ang pila ng mga examinee ng alas-6:00 ng umaga.
Dismayado ang mga magulang at guardians sa kakulangan ng crowd control management at hindi maayos na pagpila at nagkaroon pa umano ng singitan sa unahan.
“Napaka-unorganized. Pinapila lahat doon sa Xentro Mall, nandoon na ang line, tapos magpapasingit dito sa harap [ng BulSU Main Gate]. Problem is, pinapila nila ‘yung mga nauna sa dulo tapos ‘yung mga bagong dating ay pinapasingit nila dito sa binuksan nilang bagong line, hindi tuloy nagmo-move forward ‘yung mga nakapila sa dulo,” ayon sa ‘di nagpabanggit na pangalan ng nagreklamo sa isang ulat.
Bagaman malinaw na nakasaad sa guidelines na inilabas ng BulSU Admissions Office ang listahan ng mga gamit na pinahihintulutang dalhin ng mga estudyante sa araw ng pagsusulit, hindi kabilang dito ang ilang mahahalagang personal na kagamitan tulad ng cellphone, sinturon, panyo, at iba pa, na kinakailangang bitbitin ng mga mag-aaral na nagmumula pa sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Iginiit umano ng security personnel na may paalala sila na hindi responsibilidad ng mga guwardya ang mga gamit na naiwan at nakahambalang.
- Latest



















