Puganteng Kano at Koreano nasakote
MANILA, Philippines — Isang American national at isang Korean national na kapwa pugante sa kanilang bansa sa mga kasong kriminal ang nalambat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa magkahiwalay na operasyon sa Davao City, ayon sa ulat nitong Miyerkules.
Sa ulat ni BI-FSU chief Rendel Ryan, nadakip si David Michael Blunk, 41-anyos, American national, sa Davao City noong Pebrero 19 sa pakikipagtulungan ng U.S. authorities at National Bureau of Investigation–South Eastern Mindanao Regional Office.
Ang Korean na si Ahn Min Hyuk, 48, sa Davao City, nitong Peb. 19, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police–Integrity Monitoring and Enforcement Group, Armed Forces of the Philippines, at Ma-a Police Station 16.
Sa rekord ng BI, si Blunk ay huling pumasok sa Pilipinas noong 2023 kasama ang asawang Pinay. Natukoy na binawi na sa kanya ng Department of State ang pasaporte, at may outstanding warrant of arrest siya sa California kaugnay sa paglabag sa probation, na nag-ugat sa naunang conviction sa three counts of felony grand theft.
Ang Koreano naman ay may Interpol Red Notice kaugnay sa warrant of arrest mula sa Incheon District Court sa kasong special robbery.
Pumasok sa Pilipinas si Ahn noong 2019 at walang nakitang rekord na visa extension.
Nakapiit ang dalawa sa BI detention facility habang hinihintay ang proseso ng deportasyon
- Latest
















