80 granada, armas isinuko ng 8 terorista

COTABATO CITY, Philippines — Walong miyembro ng nabuwag ng Dawlah Islamiya terror group ang nagsuko ng 80 na granada at iba’t ibang combat weapon sa 64th Infantry Battalion sa Barangay Matalin, Malabang, Lanao del Sur nitong Sabado.
Sa ulat ni Army Lt. Gen. Donald Gumiran, commander ng Western Mindanao Command, lumantad ang walong terrorista at isinuko ang kanilang mga granada at baril sa pakiusap ng mga officials ng 64th IB, 101st IB at mga local executives sa Lanao del Sur sa pangunguna ni Gov. Mamintal Adiong, Jr.
Ang mga gamit pandigma na ipinakustodiya ng grupo sa 64th IB, matapos nanumpa ng katapatan sa pamahalaan, ay kinabibilangan ng 80 hand grenade, tatlong M1 Garand rifles, tatlong 9 millimeter KG 9 machine pistols at isang B40 rocket launcher.
Hiniling ng walong sumuko na tulungan sila ng WestMinCom at ng tanggapan ni Adiong, na siyang chairperson ng multi-sector Lanao del Sur Provincial Peace and Order Council, na makabalik sa kani-kanilang mga pamilya upang mamuhay na ng tahimik.
Sa tala, nasa 327 kasapi ng Dawlah Islamiya mula sa iba’t ibang bayan sa Lanao del Sur ang sumuko sa iba’t ibang units ng 101st Infantry Brigade at ng PRO-BAR mula 2024.
- Latest




















