Ferry boat nadiskaril, 20 pasahero nasagip
MANILA, Philippines — Dalawampung pasahero ang nasagip matapos na magkaaberya sanhi ng nasirang makina ang isang ferry boat sa karagatan ng Basilan nitong Biyernes, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kasalukuyang naglalayag ang M/L Julifer sa bahagi ng karagatan ng Lampinigan Island sa Isabela City, Basilan nang mangyari ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw.
Ang M/L Julifer ay galing sa umalis sa pier ng Zamboanga City noong Biyernes patungong Laminusa Island saa Siasi, Sulu.
Dahil dito, humingi ng saklolo ang mga pasahero at tripulante ng nasabing ferry boat na nagpalutang-lutang sa karagatan bunga ng insidente.
Nagresponde ang mga elemento ng Basilan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), Isabela City DRRMO at ang Philippine Coast Guard (PCG) na sinaklolohan ang mga biktima.
Ayon sa Basilan PDRRMO, ang mga pasahero at tripulante ay nasagip lahat na pansamantalang nanatili sa Lampinigan Island bago sila dinala sa pantalan ng Isabela City.
Ang nasabing Roro vessel ay bumiyahe ilang oras bago sinuspinde ng PCG ang pagbiyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa bagyong Basyang.
- Latest















