5 timbog sa CIDG buy-bust sa Laguna at Batangas
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Limang katao na nasa likod ng ilegal na aktibidad sa pangangalakal ang nasakote ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Calabarzon sa dalawang buy-bust sting sa Batangas at Laguna.
Kinilala ang mga naaresto na sina Wilson Jay Mejia, 33, Raymond Igaloy, 41, Jeff Moda, 41, at Jumel Alez, 24, na sinampahan ng kasong paglabag sa B.P. 33 na sinususugan ng P.D. 1865 at paglabag sa ilegal na kalakalan at pamamahagi ng mga produktong petrolyo na karaniwang kilala bilang ‘Paihi’.
Ang ikalimang suspek na si Angelo Senepete, 37, ay kinasuhan ng paglabag sa RA 10643 (Graphic Health Warnings Law) na kilala bilang paglabag sa ipinagbabawal na sigarilyo.
Ang grupo ni Mejia ay nadakip ng CIDG4A team nang mahuli sa akto ang pagbebenta at pamamahagi ng mga ilegal na produktong petrolyo sa undercover agent na nagpanggap bilang buyer sa bust sting sa Barangay Lumbang, Calaca, Batangas, ayon kay Lt. Col. Ganaban Ali, CIDG4A regional director, kahapon.
Sa Laguna, nag-ugat ang operasyon sa ulat ng concerned citizen hinggil sa ilegal na pagbebenta ng mga ipinagbabawal na produkto ng sigarilyo ng naarestong suspek na si “Angelo”. Nasakote ang suspek matapos ibigay ng poseur buyer ang buy-bust money kapalit ng ipinagbabawal na sigarilyo sa Highway Home village sa Barangay Platero, Biñan, Laguna.
Ayon kay Ganaban, 10 kahon ng carnival red na naglalaman ng 50 reams bawat kahon na may tinatayang market value na P650,000 ang nakuha mula sa pag-aari ni Angelo habang 11 plastic containers na may load petroleum product na may kabuuang P3,038,310 ang nakumpiska sa grupo ni Mejia.
Ang mga operasyon ay bahagi ng Oplan Mega Shopper at Oplan Ligas/Lira ng CIDG4A-Calabarzon police laban sa mga ilegal na mangangalakal at hoarder.
- Latest

















