Gunman sa pulis na inilagay sa septic tank, sumuko

MANILA, Philippines — Nasakote na ang hinihinalang gunman sa paglalagay sa septic tank sa pinaslang na pulis sa Malolos City, Bulacan noong Enero 24 sa isinagawang follow-up operations sa Tagum City, Davao del Norte habang dalawa pa sa mga suspect ay sumuko naman sa mga awtoridad, ayon sa ulat kahapon.
Ito’y matapos namang ianunsyo ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang P1 milyong reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaresto ng mga suspect.
Sa report ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ang nasakoteng suspect na si Julian Salamat alyas “Mon” na itinuturong gunman ng biktimang si P/StaffSergeant Renato Casauay Jr., operatiba ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG).
Ang bangkay ng biktima ay narekober sa septic tank sa isang bakanteng lote sa Felicisima Village, Brgy. Mojon, Malolos City.
Samantalang ang dalawa pang suspect na sina Egoy mula sa Ilagan, Isabela ay sumuko naman sa Bulacan Provincial Intelligence Unit sa tulong ng mga magulang nito. Sumunod namang sumuko ang isa pang suspect na si alyas “Marvin”.
Ang motorsiklo ni Casauay ay narekober sa bahay ni alyas “Jaco” na una nang nasakote kasama ang tatlo pang suspect na sina Bino, alyas Sampol at P/Corporal Vivencio Abalos.
Nabatid pa sa mga awtoridad ang mga sumukong suspect ay kabilang sa umano’y nagsabwatan sa pagpatay kay Casauay. Sina Bino, Jaco, Sampol, at Abalos ay pawang nasa crime scene nang mangyari ang krimen at nasakote matapos na marekober ang bangkay ng biktima.
- Latest



















