Trader itinumba ng 2 armado
MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyanteng babae matapos itong pagbabarilin ng dalawang armadong salarin sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay nitong Miyerkules.
Kinilala ang nasawing biktima na si Madonna Mohammad Sablani, 45-anyos at residente sa nabanggit na lugar.
Sa report ng Zamboanga Sibugay Police, naganap ang krimen sa loob ng tahanan ng biktima sa nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nasa loob ng kaniyang tahanan si Sablani nang walang pasintabing bigla na lamang pumasok sa pintuan ang dalawang armadong salarin.
Walang sabi-sabing ay bigla na lamang pinaputukan ng sunud-sunod ang ginang na duguang bumulagta sa insidente.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen gayundin upang matukoy at maaresto ang mga salarin.
- Latest



















