Bagong traffic rerouting scheme, ipatutupad sa Lucena City
LUCENA CITY , Philippines — May mga bagong signages na kailangang aralin at sundin ng publiko sa lungsod na ito kaugnay ng ipatutupad na traffic rerouting scheme na epektibo simula Pebrero 2, 2026.
Layunin ng hakbang na ito na mapabuti ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng lungsod, lalo na sa mga lugar na madalas makaranas ng pagsisikip.
Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Mark Alcala ang mga motorista at pedestrian na maging mapagmatyag sa mga bagong karatula at sundin ang itinakdang mga ruta upang maiwasan ang kalituhan at abala sa biyahe.
Matapos ang tatlong buwang implementasyon ng nasabing rerouting scheme, magsasagawa ng masusing assessment ang pamahalaang lungsod upang matukoy kung nagkaroon ng positibong epekto ang mga bagong ruta sa daloy ng trapiko.
Ang resulta ng pagsusuri ay ihaharap sa Sangguniang Panlungsod para sa karagdagang pag-aaral at deliberasyon, bilang bahagi ng proseso upang maisabatas ito bilang ganap na ordinansa kung mapatunayang epektibo at kapaki-pakinabang sa publiko.
- Latest





















