3 bebot timbog sa P2 milyong shabu buy-bust

CAMP GENERAL MARIANO LLANERA, Cabanatuan City, Philippines —Tatlong babae, na itinuturing na mga high value individual, ang hinuli ng pulisya sa aktong nagbebenta ng ilegal na droga at nakumpiskahan ng mahigit P2-milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation noong Martes ng gabi, sa Talavera, Nueva Ecija.
Sa kanyang ulat kay P/Col. Heryl L. Bruno, provincial director ng Nueva Ecija Police, kinilala ni Lt. Col. Rogelio L. Pacificar Jr., hepe ng Talavera Police, ang mga suspek ay kinabibilangan ng 38 at 25-taong gulang, kapwa dalaga ng Phase 3, Bgy. Lumang Pangako, Payatas, Quezon City; at isang 53-anyos ng Bgy. Rio Chico, General Tinio, NE.
Nahuli ang tatlong suspek sa isang operasyon sa Bgy. Calipahan, Talavera bandang alas-10:50 ng gabi.
Nagsabwatan umano ang mga suspek sa pagbebenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nang kapkapan ng mga babaeng pulis ang mga suspek ay nakakumpiska pa sila ng pitong karagdagang plastic sachet ng shabu. Nasa kabuuang timbang na 300 gramo ng shabu ang nakuha sa tatlo na nasa P2,040,000.
- Latest















