Gov. Ebdane ibinida mga nagawa sa SOPA

MANILA, Philippines — Sa kanyang State of the Province Address, inilahad ni Gobernador Hermogenes E. Ebdane Jr. ang malinaw na direksyon ng kanyang lalawigan, isang Zambales na gumagana para sa bawat Zambaleño.
Binigyang-diin ni Ebdane na mula sa mga hamon ng kahirapan at kakulangan ng yaman, pinili ng pamahalaang panlalawigan ang pag-asa at pagkilos upang gawing pundasyon ng patuloy na pag-unlad ang mga nakamit sa nakalipas na 15 taon.
Ayon sa gobernador, pinatatag ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng bukas at makataong pamamahala, kung saan pinalakas ang transparency, accountability, at partisipasyon ng mamamayan.
Sa pamamagitan ng pagdadala ng serbisyo hanggang kanayunan at maayos na pagpaplano at pamamahala ng yaman ng lalawigan, naisulong ang mas inklusibo at epektibong pamahalaan.
Ipinagmalaki rin ni Ebdane na nananatiling “First-Class Province” ang Zambales dahil sa maayos na pamamalakad sa pananalapi at masiglang paglikha ng kita.
Sa sektor aniya ng kalusugan at serbisyong panlipunan, pinalawak ang access sa de-kalidad na serbisyong medikal, pinalakas ang mga ospital, at inilapit ang tulong-panlipunan sa mamamayan sa pamamagitan ng mga programang tulad ng “Hatid Serbisyo” at “Tulong Kapitolyo.”
Sa ekonomiya, kabuhayan at turismo, binigyang suporta ang mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng makinarya, binhi, pataba, bangka at pasilidad, habang itinatag ang mga konsehong tutulong sa industriya ng mangga at maritime development na ang kahusayan ay bunga ng sama-samang pagkilos at disiplina.
- Latest





















